Doon Tayo sa Kahapon (Spoken Word Poetry by Beverly Cumla)

Описание к видео Doon Tayo sa Kahapon (Spoken Word Poetry by Beverly Cumla)

Doon Tayo Sa Kahapon
ni Beverly Cumla

Kung sakali mang bigyan ako ng pagkakataong
makasama ka muli,
Hindi kita isasama sa paborito nating kalye
Hindi sa kung saan tayo madalas mamasyal
Maglakad habang hawak ang iyong kamay
Habang ang huni ng mga ibon ay sumasabay
sa ating halakhak
Hindi tayo dito pupunta.
Sapagkat wala rin namang mangyayari.
Hindi ka magiging akin ulit.

Kaya kung sakali mang bigyan ako ng pagkakataong
makasama ka muli,
Hindi rin kita yayayain sa paborito nating kainan
Hindi sa kung saan mo 'ko madalas bilhan
Ng ilang mga putaheng sabay nating tinitikman
Hindi ko ipapaalala sa'yo ang sarap
O ang mga kwentuhang nabuo sa pagitan ng mesa at upuan
Hindi tayo dito pupunta.
Sapagkat wala rin namang mangyayari.
Hindi ka magiging akin ulit.

Kaya kung sakali mang bigyan ako ng pagkakataong
makasama ka muli,
Hindi rin kita hihilahin patungo sa tambayan
Hindi sa kung saan tayo madalas nagpapahinga
Habang hinihintay ang paglubog ng araw
Hindi tayo bibisita sa ilang mga espasyong simbolo ng ating alaala
Hindi tayo dito pupunta.
Sapagkat wala rin namang mangyayari.
Hindi ka magiging akin ulit.

Wala itong magagawa.
Walang magbabago.
Kaya 'wag na tayong dumayo sa kung saan.
Doon na lamang kita dadalhin sa panahon kung kailan pwede pa kitang hindi pakawalan.

Doon.
Doon tayo sa kahapon.
Kung saan mo 'ko huling hinagkan
Kung saan hindi na lang sana kita binitawan
Kung saan tinulungan pa sana kitang lumaban
Doon tayo tumungo.
Doon tayo bumalik.
Doon sa kaya pang gawan ng paraan.
Doon sa kaya pang baguhin ang nakaraan.
Doon sa hindi ako hihiling na maging akin ka ulit.
Sapagkat ilalaban ko na maging akin ka pa rin.

Doon tayo sa kahapon
Kung saan tayo maligaya
Kung saan tayo malaya
Kung saan ko natuklasan na may kaginhawaan sa minsang pagkalas
Sapagkat pinakita mo sakin na kahit pilit ka nilang inaagaw ay ginusto mo pa ring kumapit
Ramdam ko ang sakit, habang nakahawak ka ng mahigpit
At walang kasing sakit
Ang pagtalikod ng gusto pa sanang lumingon
Ang paghinto ng gusto pa sanang umusad
Ang paalam ng gusto pa sanang manatili

Kaya kung sakali
Na bigyan ako ng pagkakataong
makasama ka muli,
Hindi tayo pupunta sa kung saan.
Doon tayo sa kailan.
Doon sa kahapon.
Sa huling oras na kasama kita.
Sa huling oras ng iyong hininga. -
-
#BeverlyCumla #SpokenWord #Poetry #HugotTalk

Комментарии

Информация по комментариям в разработке