Halina at pakinggan ang Luwa para sa Mahal Na Birhen Del Pilar, ang Reyna at Patrona ng Imus, na isinulat ng Kanyang Kabunyihan Luis Antonio Cardinal "Chito" Tagle noong siya ay pangkasalukuyang Obispo ng Imus. Ang nasabing luwa ay binigkas ni Cardinal Tagle sa kanyang pagbabalik sa bayan ng Imus noong ika-3 ng Disyembre, 2012 upang pangunahan ang misa ng pagdiriwang ng Kanonikal na Koronasyon ng imahe ng Nuestra Señora del Pilar, at upang magpasalamat na rin sa buong Diyosesis ng Imus sa kanyang pagkakatalaga bilang isang Kardinal.
Lubos at labis na pasasalamat sa mga sumusunod na tao at organisasyon, na siyang orihinal na may-ari ng mga larawang ginamit sa presentasyong ito:
Facebook Page ng Diocese of Imus - Mass Media Team (http://on.fb.me/TsflHa)
Flickr page ng Servants and Handmaids of the Pillar (http://bit.ly/UDE9wN)
Flickr Pages nila:
Juan Miguel Brosas
gLn98
warrenski manuel
+llrhys82192II+
___________________________________________________________________________
LUWA PARA SA MAHAL NA BIRHEN DEL PILAR, REYNA AT PATRONA NG DIYOSESIS NG IMUS
Isinulat ng Lubos na kagalang- galang Luis Antonio Gokim Tagle
Obispo ng Diyosesis ng Imus (2001-2011)
______
Sino akong inatasang sa iyo ay bumati?
Di ako Anghel Gabriel na malinis ang labi.
Aba kong iaalay pagsintang natatangi
Puso kong nangangamba, aawitan kang lagi.
Magalak ka O Maria, Diyos ay sumasayo.
Pinagpala ng Ama, puspos ng Espiritu Santo,
Ina ng Diyos Anak, aming Poong Hesukristo,
Ina ka rin naming naglalakbay sa mundo.
Kasaysayang makulay ng Imus naming bayan.
Lagi kang kasama, Inang aming sandigan.
Nuestra Senora del Pilar kung ika'y turingan.
Kay sarap sambitin, matamis mong ngalan.
Taong tatlumput-siyam sa bansa ng Espanya,
Misyon ni Santo Santiago tila walang binubunga.
Sa kadiliman ng lumbay, ano't bigla niyang nakita
Isang haligi sa langit, nakaluklok, Ikaw Ina.
Haligi'y buhat-buhat ng anghel na maririkit.
Tinawid mo ang dagat mula sa bayang Nazaret
Upang ang puso ni Santiagong nababalot ng sakit
Madulutan ng lakas, mapawi ang pait.
Tulad ng 'yong pagdalaw kay Elisabet na pinsan,
Apostol ni Hesukristo, iyo ring dinamayan.
Bilang ina't kapanalig, siya'y yong binalaan:
Pagsusugo ni Kristo, di dapat talikuran.
Salamat Inang mahal, Apostol ay nagising.
Bumangong buong sigla sa pagtulog na mahimbing.
Salamat O Haligi, si Maria'y nakarating
Sa mahina at pagod upang siya'y palakasin.
Sino Ka, O Haliging naghatid kay Maria?
Sino Ka, O Haliging liwanag ang sadyang dala?
Ikaw kaya ang ulap at apoy na nanguna
Sa bayang Israel patungo sa pag-asa?
Ikaw nga mahal na Diyos ang Dakilang Haligi
Sa dukha at mahina, Saligang mabuti.
Simbahan ni Kristo, Iyong kinakandili
Nang sa katotohanan, lagi itong manatili.
Sa iyong kapistahan, Nana Pilar Ina namin,
Huwag kang magsasawa na kami ay dalawin.
Huwag ka lang daraan, manatili ka na rin.
Nang ang haligi mo'y makapiling tuwina namin.
Turuan mo kami, O Inang sinisinta.
Lumapit at dumalaw sa sugatan at aba.
Kung kami'y matutuksong misyon nami'y limutin na
Hamunin mo kami, bigyang alab at sigla.
Sa Diyos Amang Haligi na humirang kay Maria,
Sa Espiritung Haligi na lumukob sa kanya,
Sa Haliging si Hesus ang dakilang anak niya,
Sa Panginoon ng buhay, pagpupuri't pagsamba. Siya nawa!
Информация по комментариям в разработке