TULA 👏🏻 "Pagsisisi ng Isang Bilanggo" ni Cirio H. Panganiban | Bumigkas: Bert Cabual at Lita Bicol

Описание к видео TULA 👏🏻 "Pagsisisi ng Isang Bilanggo" ni Cirio H. Panganiban | Bumigkas: Bert Cabual at Lita Bicol

PAGSISISI NG ISANG BILANGGO
ni Cirio H Panganiban

Ako'y nagsisisi! Ang lahat at lahat
ng nangagawa ko'y gawang pawang hamak.
Ako ang may sala ng pagkawakawak
ng buhay kong itong busabos ng palad...
Ang laki sa layaw karaniwa'y hubad
sa bait muni't sa hatol ay salat,
masaklap na bunga ng maling paglingap,
habag ng magulang sa irog na anak!

Mga magulang kong labis magpalayaw,
kaluluwa ninyo ngayon ay nasaan?
Tingnan ninyo akong labis na minahal
ay ngayo'y lugami sa hirap ng buhay.
Ako'y nagsisisi... Di ko nalalamang
sa likod ng inyong turo't mga aral
ay may mga tinik na masusumpungan
itong katawan kong kinikilabutan.

Ako, mulang kayo'y tuluyang umalis
at mag-isa akong sa lupa'y tumangis,
bait at muni ko'y nangaglahong tikis,
masaklap na bunga ng maling pag-ibig.
Ako ay nasalat sa hatol ng bait,
bawat nasain ko'y asal na malupit
bawat salita ko’y nunuga ng lintik,
at bawat kilos ko ay nakayayanig.

At ako, sapagkat binuhay sa layaw,
(sa maling paglingap ng mga magulang)
ay lumaki akong kamangmang-mangmangan
at ulo ng sama sa sandaigdigan.
Ako'y walang Diyos na iginagalang,
tingin ko sa tao ay hayop sa parang,
ang sama at buti'y di ko nalalaman,
ano pa nga't ako'y kasama-samaan.

Ang lahat ng hilig nitong katawan ko'y
para ring masama... Ako'y natutong
manloob, magnakaw, mangharang ng tao,
magsugal, magsabong, maglasing, manggulo,
hanggang sa ang aking palad ay nagtungo
sa isang kulungan... Nabilanggo ako!
O! aking magulang!... Bakit akong ito'y
inyong pinalaking layaw na totoo?

Magbuhat sa aking tahanang madilim,
dini sa kulungan ng mga salarin,
kayo, magulang kong payapa sa libing
ang tinatawagan ng lunos kong daing;
maanong kung kayo'y muling magigising
ay ikalat ninyo ang isang tuntuning
Ang anak ay hindi dapat palayawin,
at gayon ding hindi sa mali'y lingapin.

Tinatawagan din kayo, mga anak,
nitong kaluluwang nasa paghihirap.
Kayo'y huwag nawang sa layaw humanap
ng ikaanyo ng inyo ring palad.
Ang laki sa layaw ay hubad na hubad
sa magandang kuro'y sa dakilang hangad.
Yaong sa magulang na maling paglingap
sa pagkabusabos at pagkapahamak.

Magulang, ang anak upang dumakila'y
huwag palayawin mula pagkabata,
pagkat ang lumaking sa layaw alaga
ay halamang hindi magbubungang kusa.
Anak, magulang mo ay hindi Bathalang
ang bawat ibigay ay isang biyaya;
ang maling paglingap nila'y walang pala
kung hindi ka mandin malunos sa luha.

Magulang ko't ako ang may kagagawan
ng sama ng aking naging kabuhayan
Magulang ko, pagkat ako'y pinalayaw,
at ako, sapagkat layaw'y nasarapan.
Ang layaw na bunga ng maling palagay;
Ay hindi ng mga maling kahatulan;
ang batang lumaki sa mga palayaw,
ubanin na'y di pa marunong mamuhay.

Ako'y nagsisisi nang tapat na tapat!
Kung ako ay hindi sa layaw nagbuhat,
tinanggap-tanggap ko ang maling paglingap,
disi'y hindi ako naging taong hamak,
Maawaing Diyos, hingi ko'y patawad
sa mga sala kong napakabigat!
Ibig ko na ngayong buhay ko'y mautas
upang ang lahi ko'y huwag nang kumalat!


Gumawa at may-ari ng video:
Rafael A. Pulmano


#buwanngwika #spokenpoetrytagalog

Комментарии

Информация по комментариям в разработке